Saturday, December 22, 2007

Tunay na diwa ng pasko

Nanay: Diba sabi ko h’wag kang aalis sa bahay? Sa’n ka na naman galing? Pa’no na lang kung naaksidente ka, sinong magpapagamot sa’yo? Alam mo namang ang hirap ng buhay ngayon eh!
Anak: Dun lang naman po ako galing kina Joey eh…saka naglaro lang naman po kami.
Nanay: Laro ng laro, kung tumutulong ka dito sa bahay.
(Baby Crying)
Nanay: Oh, puntahan mo muna si Junior, umiiyak dun, baka nagugutom. Kunin mo sa lamesa ang gatas n’ya.
Anak: Opo
(Papasok ang tatay)
Tatay: Oh, andito na ako…
Anak: ‘Tay!
Nanay: Oh Alex ‘and’yan ka na pala.
Tatay: Nga pala, eto oh, may dala akong pansit, kain na kayo.
Nanay: Oh, Jerry ilagay mo na din ang dala ng tatay mo.
Tatay: Ako na ang maglalagay.
(Lalapit ang anak sa tatay)
Anak: ‘Tay pwede po ba akong magpabili ng bisikleta sa inyo?
Tatay: Ahh…ehh… anak pwedeng pwede! Kaso hindi pa kaya ng sweldo ko ang ganong kamahal na laruan.
Anak: ahh.. ganun po ba?
Tatay: Di bale anak pag-iipunan ko ‘yun. Pasensya ka na ha, ang dami lang talaga nating gastos.
Anak: Ayos lang po ‘yun ‘tay
(Dadaan ang isang pamilya magkwekwentuhan tungkol sa mga regalo)
Anak: Buti pa sila.
Nanay: Jerry bumili ka nga muna ng tinapay sa palengke.
Anak: Sige po.
Nanay: Oh eto ang 20 pesos, ‘yung murang tinapay lang ha…mag-iingat ka!
(Lalakad, maaakit sa mga laruan sa paligid)
Anak: Wow, ang ganda naman nito
Ale: Oh, bibili ka ba?
Anak: Hindi po, tumitingin lang po ako.
Ale: Oh s’ya s’ya ‘wag mo ng tingnan at baka malasin pa ako, sige na! dun ka…
(Magpapatuloy sa paglakad)
Anak: Sana may bagong damit at laruan din ako.
(Makikita ang mag-inang namimili ng mga laruan)
Anak: Buti pa siya.
(Patuloy ang pagtingin sa mga laruan, hanggang sa mamalayang nawawala na siya)
Anak: Hala! Asan na ako? Lagot na naman ako kay Nanay! Anong gagawin ko? Ahhh…
(Maglalakad-lakad)
Anak: Nagugutom na ako…aray ang sakit na ng tiyan ko, aha, may pera nga pala ako, bibili muna ako ng tinapay! Pero sa’n ako bibili ng tinapay eh naliligaw nga ako? Saka asan ‘yung pera? Nandito lang ‘yun kanina eh! Ala! Sinong kumuha nun? Patay! Lagot
na naman ako kay Nanay! Ang malas ko naman! Aray ang sakit na talaga ng tiyan ko, mabuti pa atang tumulog muna ako para mawala na ang sakit.
(tutulog)
Narrator: Nakatulog si Jerry dahil sa kumakalam na sikmura, hindi n’ya magawang makauwi dahil hindi n’ya alam kung saan ang tamang daan. Samantalang…
Nanay: Ang tagal naman ni Jerry, sa’n na naman kaya nagsuot ang batang yu’n?
Tatay: Baka naman may tiningnan lang.
(Kukunin ng Nanay ang umiiyak na bata.)
Nanay: Kung sundan mo muna kaya siya, Alex?
Tatay: Masyado na ngang gumagabi, mabuti pa ngang sundan ko na s’ya.
Narrator: At sinundan nga ni Alex ang kanyang anak. Sa kabilang dako naman…Napakahimbing ng pagkakatulog ni Jerry hanggang sa pasukin n’ya ang mundo ng panaginip.
(Fairies’ entrance: dance)
(Kung anu-anong gagawin ng ibang fairy: Laro, kanta, sayaw, etc.)
Anak: Sino kayo? Asan ako? Bakit iba ang hitsura niyo?
Fairy1: Mga diwata kami, Nasa Fairylandia ka. Tingin ka dun oh, nand’yan ‘yung camera!
Fairy2: Gaga! Wala kayang camera d’yan, kita mo namang ang daming taong nanonood sa atin oh! Live na live pa!
Fairy3: Oo nga!
Anak: Teka nga lang, bakit ba ako nandito? Saka, hindi ko pa kayo kilala! Baka mamaya eh, kung anong gawin n’yo sa’kin!
Fairy1: Ano ka ba! Hindi kami masasama, ako si Inang Fairy!
Fairy2: Ako naman si F1
Fairy3: At ako naman si F2
Anak: Wow, parang Afficionado! May F1 at F2
Fairy1 & 2: Pabango ba kami?
Anak: Ahhmm hindi, pero mabango naman kayo!
Fairy1: Ngayong nandito ka na sa Fairylandia, Hindi ka na malulungkot, lagi na tayong maglalaro, lagi tayong kakain, diba nagugutom ka?
Anak: Opo, nagugutom na nga ako.
Fairy2: Halika at kakain tayo!
(Kakain)
Anak: Ang sarap naman, sana ganito araw-araw!
Fairy2: Hindi lang ‘yan ano! Gusto mo ban g mga laruan?
Anak: Syempre naman po! Bibigyan nyo rin po ba ako?
Fairy3: Oo Naman, halika, sumama ka sa’kin at ipapakita ko sa’yo ang mga bagong laruan mo!
Anak: Talaga po!
Fairy3: Oo naman!
(Maglalaro)
Fairy1: Oh bakit parang ang lungkot mo?
Anak: Po? Ako? Malungkot? Hindi po ah, ang saya-saya ko nga eh! Akala ko nga sa Fairy tales lang merong ganito.
Fairy2: Tara laro ulit tayo?
Anak: Sige po!
(Laro)
Narrator: Habang patuloy ang pagsasaya ni Jerry sa kabilang dimensyon, ganito ang mga pangyayari.
Ale2: Ang lakas naman ng ulan! Kailan kaya titila?
(Maglalakad-lakad)
Ale2: Ala, sino ‘to? Kanino kayang anak ito? Ang taas ng lagnat! Dalhin ko kaya sa ospital!
Narrator: Dinala nga ng babae ang bata sa Ospital. Samantala…
Tatay: Tina, Tina, Nasuyod ko na ang lahat ng tindahan sa palengke pero wala si Jerry dun!
Nanay: Sa’n kaya nagpunta ang batang ‘yun! Baka naman nagpapatila lang ng ulan, o kaya ay nasa kaibigan!
Tatay: Sige, hahanapin ko ulit s’ya! Dito ka na lang, alagaan mo si Junior.
Nanay: Mag-iingat ka!
Narrator: Ilang minuto matapos umalis si Alex, may dumating na isang balita kay Tina.
Kapibahay: Tina, Tina, bilis, si Jerry, ‘yung anak mo, nasa Ospital daw, nakita sa palengkeng nakabulagta, buti na lang at may nagmagandang-loob na tumulong!
Nanay: Ano, sang ospital daw?
Kapitbahay: Sa bayan daw, ako na muna ang magaalaga kay Junior, sige na puntahan mo muna siya.
Nanay: Maraming Salamat Nena, salamata talaga
Kapitbahay: Oo na, bilisan mo na!
Narrator: Sa kabilang dimensyon,
Anak: Tama na pagod na ako, nakakapagod din pa lang maglaro, tama pala si nanay kailangan tumulong din ako, asan na kaya sila?
Fairy2: H’wag mo ng isipin ‘yan, halika kain pa tayo, para makakapaglaro ulit tayo,
Anak: Mamaya na lang, busog pa ako eh, sina Nanay kaya busog na? Si Junior may gatas pa kaya, at si Tatay nakakain na kaya?
Fairy3: Ano ka ba? Hayaan mo na sila!
Anak: Sa’n po ba ang daan pabalik sa bahay?
Fairy1: Isang sagradong daan lang ang naririto, at isang beses mo lang itong pwedeng gamitin, kung babalik ka sa inyo, hindi ka na makakabalik pa rito, hindi ka na magkakaroon ng magagandang laruan at masasarap na pagkain, hindi mo na rin kami muling makikita at makakalaro.
Anak: Pero pa’no sina Nanay, si Junior at si Tatay? Baka nag-aalala na sila sa’kin.
(mahahati sa 2 ang stage)
Fairies: Halika na, halika na, masaya dito, magiging masaya ka na rin, maraming pagkain at laruan dito, hinding-hindi ka na magugutom, hindi ka na rin malulungkot.
With previous:
Nanay: Anak, gumising ka, nandito na kami ng tatay mo, hindi ka na namin pababayaan, gumising ka anak, hinihintay ka na namin nina Junior, gising na anak, para maging masaya tayong lahat sa pasko, Diyos ko, iligtas mo po siya.
(Tutuloy sa pintuan: Gigising)
Anak: Nay, Tay? Bakit po tayo nandito? Ano po bang nangyari?
Tatay: Mahabang kwento anak, sige na, magpaalam na tayo sa kanila, sana nag-enjoy sila sa panonood.
Nanay: Oo nga, mahabang preparations din ang ginawa natin diba?
Narrator: Nakabalik si Jerry sa piling ng kanyang mga magulang, naintindihan na rin n’ya na wala pala sa magagandang laruan, masasarap na pagkain, at magagarang damit ang tunay na kasiyahan, ito pala ay nananahan sa puso ng bawat pamilya, at walang katumbas na makamundong kagamitan.

No comments: